2 Pinoy patay sa lindol sa Turkey
MANILA, Philippines — Dalawang Filipino ang kabilang sa mga naitalang nasawi kasunod ng magnitude 7.8 na lindol sa Turkey at Syria.
Ito ang kinumpirma kahapon ng Philippine Embassy sa Ankara at isa dito ang nakilala na kasabay ng paglobo ng total death toll sa nangyaring lindol sa 21,000.
“It is with deepest regret that the Embassy must inform the public of the passing of two Filipinos, both earlier reported to be missing in Antakya,” pahayag ng embahada.
Kinilala ng Filipino journalist na si Ted Regencia na nakabase sa Istanbul ang isa sa nasawing Pinoy na si Wilme Tezcan na mula sa Lucena, Quezon at mayroong asawang Turkish national.
Ayon kay Regencia, si Tezcan ay bumiyahe mula sa Istanbul patungo sa Hatay province noong Enero 27 bago ang paglindol noong Lunes.
Ayon naman kay Weng Timoteo, vice-president ng Filipino community sa Turkey na nagtutulungan na silang mga pinoy doon para makapagbigay tulong sa pamilya ni Tezcan.
Nilinaw din ng embahada na natagpuang buhay ang isang Filipino na naunang iniulat na nawawala.
Inaasahang patuloy ang pag-akyat ng bilang ng nasasawi dahil sa isinasagawang search and retrieval operations ng mga otoridad doon.
- Latest