MANILA, Philippines — Halos hindi na makilala ang isang mag-ina dahil sa pagkasunog ng kanilang katawan matapos makulong sa nasusunog nilang kuwarto sa Brgy. Krus na Ligas, Quezon City, kahapon.
Hindi muna pinangalanan ng Bureau of Fire Protection (BFP) ang pangalan na ang ina ay inilarawang nasa 40-anyos habang 17 hanggang 18-anyos ang kanyang anak na babae.
Sa ulat ng BFP, pasado alas-2:00 ng hapon nang maganap ang sunog sa dalawang palapag na tahanan na matatagpuan sa 13-2 Avelino Alley Lt. J. Francisco St., Brgy Krus na Ligas, Quezon City na pagmamay-ari ng isang Pepito Mente ngunit inookupa umano ng isang Judy Aquilino at Alexis Aquilino.
Umabot lamang ng unang alarma ang sunog bago tuluyang naapula bago mag-alas-2:58 ng madaling araw.
Inaalam pa ng BFP ang sanhi ng apoy, ngunit kabilang sa iniimbestigahan nila ay posibleng arson o sinadya ang sunog.
“Kakaiba po ang sunog na ito, iisang kuwarto po siya at merong commotion ... nandun ‘yung bata, sinasabing nagsisigaw ng tulong at hindi mabuksan kasi naka-lock po. At later on, siguro mga ilang minuto, nandun na nga, bigla na lang nagkaroon ng apoy at nagkaroon ng sunog doon,” ayon kay Fire Sr. Supt. Aristotle Bañaga.
Sa pagtaya ng mga otoridad, aabot lamang sa P24,000 ang halaga ng mga ari-arian na natupok sa sunog at ang silid lamang ng mga biktima ang naapektuhan.