MANILA, Philippines — Wala muna umanong magaganap na phase out sa mga pampasaherong jeep sa lansangan kahit lampas na ito sa 20 taon at karag-karag na.
Ito ang naging desisyon ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa final deliberation kahapon sa ahensiya kaugnay sa planong phase out.
Dahil dito ayon kay LTFRB chairman Teofilo Guadiz, tuloy pa rin ang biyahe ng mga jeepney driver at hindi muna igigiit ang Jeepney Modernization.
Dapat sana ay 2017 pa ang Jeepney Modernization, subalit dahil sa apela at pakiusap ng mga tsuper ay pansamantalang ipinagpaliban ito ng LTFRB.
Sinabi ni Atty. Guadiz na kahit 20 years old na ang pampasaherong jeep basta road worthy ay maaari pa ring gamitin at ipasada.
Idinahilan pa ni Guadiz na ramdam niya ang hirap ng mga driver at maaaring marami ang magugutom oras na ipatupad ang jeepney phase out.
Niliwanag din niya na patuloy na pinag-aaralan ang bawat ruta ng mga sasakyan sa bansa lalo na sa Metro Manila upang mapunan ng dagdag ruta ang may malaking demand sa pampasaherong sasakyan at mabawasan ang mga ruta na masyadong marami sa isang lugar.