MANILA, Philippines — Naihatid na kahapon ng umaga sa kaniyang huling hantungan si Jullebee Ranara, ang overseas Filipino worker na pinaslang sa Kuwait.
Nabatid na alas-8:00 ng umaga nang umusad ang funeral cortege ni Ranara na kung saan ay buhos ang mga kaanak at kaibigan na naghatid sa kanya sa Golden Haven Memorial Park sa Las Piñas City.
Nagkaroon ng maikling programa kung saan nagsalita ang ilang kapamilya at kaibigan ni Ranara, na nagpasalamat sa lahat ng nakiramay.
Ikinuwento ni Jenny Magay, pinsan ni Ranara, kung gaano kabait ang napaslang na OFW na noong una aniya’y hindi siya naniwala sa sinapit ng pinsan.
“Hindi kami naniniwala hangga’t hindi namin nakikita na siya po talaga ‘yon. Kasi wala po talaga sa isip namin na mangyayari sa kaniya ‘yon,” ani Magay.
“Hangad namin ang hustisya para sa pinsan namin,” dagdag niya.
Hindi naman napigilan ng pamilya ang kanilang matinding pagdadalamhti at hinimatay ang isa sa tiyahin ni Ranara.
Ayon naman kay Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) Administrator Arnell Ignacio, tuloy pa rin ang pagtulong ng pamahalaan para makamit ang hustisya para kay Ranara.
Nakipaglibing din ang 2 kapatid ni Joanna Demafelis, ang OFW na pinaslang din sa Kuwait noong 2018.
Ayon kay Joyce Demafelis, ramdam niya ang sakit na nararamdaman ng pamilya Ranara.