MANILA, Philippines — Iniulat ng Council for the Welfare of Children (CWC) na halos 9,000 kaso ng child abuse ang kanilang naitala nitong 2022.
Ayon kay CWC executive director Undersecretary Angelo Tapales kamakalawa, ang nasabing bilang ay nagmula sa kabuuang ulat mula sa mga children protection units sa mga ospital at sa helpline ng CWC.
“Batay po sa datos na nakuha namin sa women and children protection unit na present po sa mga hospital natin sa buong Pilipinas, noong 2022 po, may 8,948 na kabataan ang naitalang naabuso,” pahayag ni Tapales.
Sinabi rin ni Tapales na sa Makabata Helpline mayroong naitala na 43 ng kaso ng pang-aabuso na karamihan ay kinasasangkutan ng edad 15-17.
Ang kahulugan ng “Makabata” ay “Mahalin at Kalingain ating mga Bata.”
Sinabi rin ni Tapales na ang mga insidente ng pang-aabuso sa mga bata ay nangyari sa magkakaibang mga lugar tulad ng sa tahanan, paaralan, at komunidad.
Kabilang sa mga natatanggap na tawag sa helpline ng CWC ay may kinalaman sa sekswal na pang-aabuso, pananakot, at mental health.
Nagbibigay rin ang ahensya ng referral para sa mga biktima na nangangailangan ng mga partikular na serbisyo.
Ang Makabata Helpline ay maaaring tawagan sa telephone number 1383, mobile numbers 09158022375 (Globe) at 09603779863 (Smart), email sa makabata1383@cwc.gov.ph, at Facebook page sa Makabata Helpline.