Dahil sa cellphone ng mga Japanese detainee
MANILA, Philippines — Sinibak sa puwesto ng Bureau of Immigration (BI) ang warden facility head nito at iba pang mga tauhan makaraang makuha ang anim na cellphone mula sa Japanese detainee na hinihinalang mastermind sa mga illegal na aktibidad sa bansang Japan.
Ito ang inihayag ni BI spokesperson Dana Sandoval na may iba nang opisyal at tauhan ang nakatalaga sa BI warden facility sa loob ng Camp Bagong Diwa.
Hindi naman binanggit ni Sandoval kung may kinalaman ang mga sinibak na tauhan sa pagkakatagpo ng mga cellphones at iba pang items ngunit ang balasahan ay dahil sa ‘command responsibility’ ng mga namumuno sa bilangguan.
Kasama sa paghihigpit ngayon ng BI ay ang pagkakabit ng mas maraming CCTV cameras sa bilangguan habang pinag-aaralan pa umano ni BI Commissioner Norman Tansingco ang iba pang mga pagbabago na ipatutupad dito na siya ngayong prayoridad ng ahensya.
Inaasikaso na ngayon ng Department of Justice (DOJ) ang deportasyon ng mga Hapones na nakakulong sa warden facility makaraang hilingin na ng pamahalaan ng Japan.
Maaalalang nitong Martes, Enero 31 ay inihayag ng Department of Justice na nakakuha sila ng anim na iPhone mula sa isa sa apat na Japanese nationals na hiniling ng pamahalaan ng Japan na pauwiin.
Apat ang tinitignan ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na mapa-deport sa darating na linggo kabilang si alyas “Luffy” na lider ng sinasabing robbery syndicate at si alyas “Kim”.
Bukod sa pagnanakaw, sangkot din umano ang sindikato sa panggagantso at nakatangay na ng 6 bilyong Yen o $46.6 milyon sa kanilang mga scam.