MANILA, Philippines — Ipinaba-blacklist ni Overseas Filipino Workers (OFW) Partylist Rep. Marissa del Mar Magsino ang mga Kuwaiti employers na may rekord nang pagmamalupit at iba pang uri ng pang-aabuso laban sa mga OFW.
Sinabi ni Magsino na dapat agad na i-blacklist ng mga recruitment agencies ang mga sadista o abusadong Kuwaiti employers upang hindi na maulit pa ang karumaldumal na sinapit ng Pinay DH na si Jullebee Ranara na ginahasa, binuntis, pinatay, sinunog ang bangkay saka itinapon sa gitna ng disyerto ng suspect na 17-anyos na anak na lalaki ng kaniyang employer.
Ang sinunog na bangkay ni Ranara ay nadiskubre sa gitna ng disyerto sa Kuwait noong Enero 21, 2023 na ang bangkay ay naiuwi na sa bansa kung saan patuloy na humihingi ng hustisya ang kaniyang pamilya.
Inirekomenda rin ng lady solon na dapat magkaroon ng database ang Pilipinas sa mga Kuwaiti employers na may mga kaso ng pang-aabuso sa mga OFWs sa nasabing bansa at i-blacklist ang mga ito na makakuha ng OFWs bilang kanilang mga empleyado.