MANILA, Philippines — Dahil sa pagtaas ng demand sa langis matapos ang pagluluwag ng mga lockdown sa buong mundo, maaaring tumaas na naman ang presyo ng mga produktong petrolyo sa bansa sa susunod na linggo.
Sa pagtaya ng ilang oil industry players, ang presyo ng gasolina ay maaaring magkaroon ng pinakamalaking pagtaas ng mula P1.30 hanggang P1.50 kada litro sa susunod na linggo.
Samantala, ang presyo naman ng diesel ay maaaring tumaas ng mula P0.85 hanggang P1.15 kada litro habang ang presyo ng kerosene ay inaasahang tataas din ng mula P1.10 hanggang P1.50 kada litro.
Ayon kay Department of Energy (DOE) Assistant Director Rodela Romero, dapat sana ay pababa na ang presyo ng petrolyo sa panahong ito dahil tapos na ang panahon ng kapaskuhan at nawala na ang demand.
Gayunman, mayroon aniyang mga factors na naging sanhi upang muling tumaas ang presyo ng langis gaya na lang nang pagbubukas na ng ekonomiya ng China.
“Historically na itong panahon na ito, dapat pababa na dahil pagkatapos ng Pasko, nawala na ang (demand). Unfortunately, may ibang factors pa noong nakaraan kaya bumababa dahil sa zero COVID policy ng China. Pero kung ngayon, despite na may virus sila, nag-open up na ang economy nila so tumaas ang demand ng petroleum products,” paliwanag ni Romero sa panayam sa Teleradyo.
Sa kabila naman ng sunud-sunod na pagtaas ng presyo ng langis nitong nakalipas na tatlong linggo, duda si Jetti Petroleum President Leo Bellas na papalo ang presyo ng mga produktong petrolyo ng P80 kada litro bunsod na rin aniya ng “resistance”.