Botohan sa malls pinaplantsa na ng Comelec

File Photo: Citizens of Potrero, Malabon cast their votes at Potrero Elementary School on May 9, 2022.
The STAR/Deejae Dumlao

Para sa 2023 BSKE

MANILA, Philippines —Inihahanda na ng Com­mission on Elections ang planong pagsasagawa ng botohan sa ilang piling malls sa bansa para sa pilot test ng nalalapit na Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) ngayong 2023.

Sinabi ni Comelec Chairperson George Garcia na plano ng Comelec na i-transfer ang ilang piling polling precincts sa mga malls, upang doon isagawa ang pagboto at bilangan ng boto, sa mismong araw ng BSKE.

Gayunman, tanging ang mga polling precincts na malapit lamang aniya sa malls ang maaari nilang isama sa pilot test.

Nasa tatlong lugar lamang rin aniya ang pipiliin nila para sa naturang pilot project.

Ani Garcia, sakaling maging matagumpay ang proyekto at mapatunayang mabisa para sa mga botante ay maaaring payagan na nilang sa mga malls isagawa ang botohan sa bansa sa 2025 elections.

“If this would prove to be successful and [more efficient] for voters, maybe we could let voters nationwide cast their votes at malls in the 2025 [elections],” ani Garcia, sa panayam sa radyo nitong Biyernes.

Nabatid na tinalakay na rin ni Garcia ang naturang plano sa mga mall operators at bukas naman aniya ang mga ito sa naturang ideya. Iminungkahi pa nga aniya ng mga ito na buksan ng mas maaga ang malls kumpara sa kanilang regular working hours para mapaglaanan ng mas mahabang panahon ang pagboto.

Show comments