2 grupo ng kabataan nagrambol…
MANILA, Philippines — Tatlong katao ang nasawi habang apat ang malubhang nasugatan matapos na sumabog ang isang granada, kamakalawa ng gabi sa Cavite City, Cavite.
Sa ulat na natanggap ni P/Col. Christopher Olazo, Cavite police director, kinilala ang mga nasawi na sina Julius Tindoc, 26, delivery boy; Joseph Barrera, 53, barangay tanod; at Mark Gio Layug, 28.
Ang mga nasugatan ay sina Erickson Valenzuela; Alejandro Dizon, 45, barangay kagawad, dinala sa Philippine General Hospital; Arjay Camacho, 18, high school, dinala sa Cavite Medical Hospital na nasa mabuti nang kalagayan habang si Reymart Patricio Honra, 18, tricycle driver ay nasa kritikal na kondisyon.
Ang suspek na si Camacho, residente ng Barangay 10-A, ay guwardyado sa ospital habang ang kasama nito na si Daniel Diaz Cruz, 17, ay inaresto matapos ang pagsabog.
Ayon kay Olazo na bago naganap ang insidente, alas-11:58 ng gabi ay nagkaroon ng rambol ang dalawang grupo sa Benitez St., Barangay 8 Cavite City, nagkahabulan at nagkabatuhan na umabot sa Barangay 10-A.
Pagdating sa lugar, sila ay inaresto ng mga barangay tanod ng Barangay 11 ay nakita ang isa sa dalawang grupo na nagrambol ang may hawak na granada na kung saan ang daliri ay nakalagay sa safety pin.
Binantaan ng suspek ang mga humahabol na mga barangay tanod na aalisin niya ang safety pin kapag lumapit ang mga ito.
Sa gitna ng kaguluhan ay inalis ng suspek ang safety pin at sumabog ang granada na nagresulta sa pagkasawi ng tatlong tinedyer.
Dinala na ang isang minor suspect sa City Social Welfare and Development Office of Cavite City para sa disposisyon.
Ayon kay Cavite City Mayor Denver Chua, dahil sa insidente, ay magpapatupad na ng curfew para sa mga menor de edad sa lungsod mula alas-10:00 ng gabi hanggang alas-4:00 ng madaling araw.
Iginiit naman ni Chua na isolated case ang nangyari at sasagutin din umano ng lokal na pamahalaan ang gastos sa pagpapaospital sa mga biktima pati ang gastos sa mga namatay.
Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya kung ano ang dahilan ng away ng dalawang grupong kabataan.