MANILA, Philippines — Pumalo na sa 1.1 milyon ang bilang ng mga bagong botante na nagparehistro, siyam na araw bago ang nakatakdang pagtatapos ng voter registration para sa 2023 Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE).
Sinabi kahapon ni Comelec chairman George Garcia mula nang magsimula ang voter registration noong Disyembre 12, 2022, nakapagtala ang Komisyon ng 1,100,000 bagong botante.
Sa bilang na ito, nasa 7,000 voter registration applications ang naiproseso sa ilalim ng Register Anywhere Project (RAP) na layong mailapit sa mga qualified Filipino voters ang pagpaparehistro dahil inilalagay ang mga ito sa mga mall. Magtatapos ang voter registration sa Enero 31 habang ang RAP ay magtatagal hanggang Enero 25.
“Madami sa kanila ‘yung nagpalipat na ng registration abroad sa pag-aakalang sila ay makakaalis bago ang eleksyon. Pero dumating ang eleksyon, hindi pa sila nakakaalis. ‘Pag gano’n, hindi sila nakakaboto. Dapat mapaboto pa rin natin sila kahit sila ay naghihintay papunta sa abroad,” ani Garcia.