MANILA, Philippines — Idineklarang dead on arrival sa ospital ang isang grade 7 student matapos saksakin ng kanyang kaklase sa loob mismo ng paaralan na pinapasukan nito kahapon ng umaga sa Quezon City.
Kinilala ang nasawi na si Mohammad Abtani Alfhasi, 13, tubong-Jolo, Sulu at residente ng Basilan St., Salaam Compound, Barangay Culiat, Q.C.
Nadakip naman sa follow-up operation ng pulisya ang suspek na kaklase ng biktima na 15 taong gulang, nakatira sa Cotabato St., Salaam Compound, ng nasabing barangay.
Base sa ulat, dakong alas-5:45 ng umaga nang maganap ang insidente sa Culiat High School, ng Barangay Culiat Q.C.
Lumalabas na sa imbestigasyon ng mga otoridad na mayroong hindi pagkakaunawaan ang dalawa dahil sa selos na dahilan upang saksakin ng suspek ang biktima.
Sinubukan pang itakbo sa New Era General Hospital, pero dineklara itong dead on arrival. Nakapiit na ang suspek at inihahanda ang kasong kakaharapin nito. - Angie Dela Cruz