MANILA, Philippines — Namatay noon din ang isang drug suspect nang manlaban sa buy-bust operation sa Brgy. Damayang Lagi, Quezon City, kamakalawa ng gabi.
Kinilala ang suspek na si Jordan Balana, top 4 sa listahan ng Quezon City Police Station (QCPD)-Galas Police Station at miyembro rin umano ng “Ramos Balana criminal group na sinasabing sangkot sa pagtutulak ng droga at robbery holdup sa Quezon City.
Sa ulat, alas-10:00 ng gabi nang ikasa ang buy-bust operation sa 14th St., Sta. Cecilia, Brgy. Damayang Lagi nang makatanggap ng tip ang mga otoridad hinggil sa ilegal na aktibidad ng suspek.
Isang pulis ang nagpanggap na bibili ng P2,500 na halaga ng shabu, gayunman nakahalata ang suspek sa katransaksiyon na isang pulis kaya’t kaagad na nagbunot ng baril.
Nang akmang babarilin ang pulis ay pinutukan ito ng mga back-up na pulis na nagresulta sa pagkamatay ng suspek habang nakatakas ang kasamahan sakay ng motorsiklo.
Narekober ng mga otoridad mula sa suspek ang isang sachet na may limang gramo ng hinihinalang shabu at may street value na P34,000.