Taas-pasahe sa LRT-1 at 2 ‘di agad maipapatupad
MANILA, Philippines — Bagama’t nakaumang na ang pagtaas ng pasahe sa Light Rail Transit Line 1 (LRT-1) at Line 2 (LRT-2) ay hindi agad ito maipatutupad dahil kinakailangan pa nitong dumaan sa tamang proseso.
Ito ang nilinaw kahapon ng Light Rail Transit Authority (LRTA) kasunod ng mga naglabasang ulat na inaprubahan na ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang fare increase sa LRT-1 at 2.
Ipinaliwanag ng LRTA na ang ginawang pag-apruba ng LTFRB sa nasabing fare increase ay nasa nature ng naturang ahensiya, bilang miyembro ng LRTA Board of Directors, at hindi sa nature nito bilang regulatory board.
Binigyang-diin nito na ang naturang taas-pasahe ay dapat na aprubahan din muna ng LRTA Board of Directors, at ang LTFRB ay isa lamang anila sa siyam na miyembro nito.
Kinakailangan din munang dumaan sa required regulatory process ang taas-pasahe na kinabibilangan ng public consultation at hearing.
Ayon sa LRTA, sa ilalim ng kanilang panukala, nais nilang ma-adjust ang mga pasahe ng LRT-1 at 2 at madagdagan ng P2.29 bilang boarding fare, at karagdagang P0.21 kada kilometro para sa distance fare.
Nabatid na ang boarding fare ng mga naturang rail lines ay nasa P11.00 habang P1 kada kilometro naman ang distance fare nito, simula pa noong 2015.
- Latest