MANILA, Philippines — Inihayag ng opisyal ng Quiapo church na naging matagumpay ang Pista ng Itim na Nazareno at walang naitalang untoward incident.
Sinabi ni Quiapo Church spokesperson Fr. Earl Allyson Valdez na malaking tagumpay lalo na ang mga kaganapan sa Quirino Grandstand partikular na ang “Pagpupugay” na ipinalit muna nila sa “Pahalik”. Dito maaaring mahawakan ng deboto ang parte ng Nazareno.
“Lahat po, lalung-lalo na ‘yung ating mga kaganapan sa Quirino Grandstand, sa Simbahan ng Quiapo simula pa nung ika-7 ng Enero ay successful. Masasabi po namin na naabot natin ang layunin natin na magkaroon ng makabuluhan at ligtas na pagdiriwang para sa ating mga deboto,” saad ni Valdez.
“Wala tayong na-report na security threats. Wala tayong na-report na untoward incidents na nakagulo sa mga pagdiriwang. Kaya sa kabuuan, kami ay natutuwang sabihin sa inyo na naging matagumpay po ang ating Nazareno 2023,” dagdag pa niya.
Sa monitoring ng Quiapo Church command center, tinatayang 228,650 deboto na ang dumagsa sa Quiapo church para magsimba at iba pang aktibidad mula alas-12 ng hatinggabi hanggang ala-1 ng hapon nitong Lunes habang nasa 121,930 naman ang nagsitungo sa Quirino Grandstand.