MANILA, Philippines — Dead-on-the-spot ang isang motorcycle rider habang nasugatan ang isang sekyu matapos na masalpok ng nasiraang pampasaherong jeep na pumasok sa loob ng ospital, kahapon ng umaga sa Sta.Ana, Maynila.
Kinilala ang nasawi na si Noe Ocenar Agaigar, nasa hustong gulang na nagtamo ng malaking sugat sa ulo. Habang nasugatan din ang security guard ng ospital na si Marvin Pelaez.
Nasa kustodiya na ng pulisya ang suspek na kinilalang si Ronaldo Fanis y Feria.
Sa ulat ng Sta. Ana Police Station 6, binabagtas ng pampasaherong jeep (OSC 553) ang kahabaan ng Panaderos St. patungo ng Pedro Gil St., alas-10:30 ng umaga nang sumabog ang isa sa gulong nito.
Naging dahilan para mawalan ng kontrol si Fanis at ipinasok ang jeep sa isang bukana ng Trinity Women and Children Hospital ngunit nabundol nito ang biktimang si Agaigar na lulan ng isang itim na scooter habang nahagip din si Pelaez.
Inihahanda na ang kasong Homicide at Frustrated Homicide through Reckless Imprudence sa Manila City Prosecutor’s Office laban kay Fanis.