9 bayan sa Bulacan, apektado
MANILA, Philippines — Dahil sa pagtaas ng tubig na banta ng pag-apaw, patuloy na nagbabawas ng tubig ang Angat Dam at Ipo Dam sa Norzagaray, Bulacan at may 9 na bayan ang apektado dahil sa patuloy na nararanasang pag-ulan dulot ng amihan.
Ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), nagbukas sila ng tatlong gate sa Angat dam ng may 8.5 metro dahil sa malapit nang maabot ng dam ang spilling level nito samantalang ang Ipo dam ay nagbukas ng anim na gate na may 9.2 meters.
Ang Reservoir Water level (RWL) ng Angat Dam kahapon ng alas-6 ng umaga ng Sabado ay nasa 215.03 meters na mataas sa spilling level o normal high water level (NHWL) na 212 meters.
Ang RWL ng Ipo Dam ng alas-6 ng umaga ng Sabado ay naitala sa 101.04 metro malapit sa NHWL na 101.10 metro.
“Tuluy-tuloy ang pag-release ng Angat Dam dahil tuluy-tuloy pa rin ang pag-ulan kahit na light rains. Pero ‘yung mga tubig ulan na bumagsak sa kabundukan ay kasalukuyan pa lang na bumababa sa watershed ng Angat kaya continuous po ang release niya,” sabi ni Ailene Abelardo , hydrologist ng Hydrometeorology Division ng PAGASA.
Sinabi ni Abelardo na ang mga komunidad na apektado ng paglabas ng tubig mula sa Angat at Ipo dam na nasa may Angat River sa Norzagaray ay ang mga bayan ng Angat, San Rafael, Bustos, Baliwag, Pulilan, Plaridel, Calumpit, Paombong at Hagonoy.