MANILA, Philippines — Patay ang isang batang lalaki habang nawawala pa ang kanyang kalaro matapos nilang maisipang maligo sa creek sa kasagsagan ng malakas na ulan sa Quezon City, kamakalawa ng hapon.
Hindi kaagad natukoy ang pagkakakilanlan ng 11-anyos na biktima na bangkay nang natagpuan nitong Sabado ng umaga habang patuloy pang pinaghahanap ang kanyang kalaro na 12-anyos lamang.
Sa ulat ng Quezon City Police District (QCPD, alas-5:00 ng hapon ng Biyernes nang magkayayaan ang mga biktima at dalawa pa nilang kalaro na edad 15 at 17-anyos na maligo sa Talayan Creek sa G. Araneta, Quezon City.
Nakakita umano ng styro ang mga biktima at ginamit ito sa paglalaro ngunit naisipan umano ng isa sa mga biktima na tumalon sanhi upang tumaob ito.
Hindi na umano lumutang pa ang dalawang biktima habang nakaligtas ang dalawa pa nilang kasamahan.
Kaagad namang pinaghanap ng mga rescuers mula sa Philippine Coast Guard (PCG) ang mga bata ngunit bangkay na ang 11-anyos na biktima nang matagpuan kinabukasan, habang patuloy na nawawala ang isa pa.
Kahapon, nahirapan ang mga rescuers na hanapin ang katawan ng nawawalang bata dahil sa rami ng mga basurang nakatambak sa creek.