MANILA, Philippines — Iniulat kahapon ng Department of Health na umakyat na sa 307 ang bilang ng mga fireworks-related injuries sa bansa makaraang madagdagan ng 16 na bagong kaso ng mga naputukan ang naitala sa DOH sentinel hospitals mula Enero 5 hanggang 6.
“Sa kasalukuyan, ang kabuuang bilang ng mga kaso ng pinsala dulot ng paputok ay nasa tatlongdaan at pito (307) na mas mataas ng animnapu’t dalawang porsyento (62%) kumpara sa naitala noong nakaraang taon sa sakop na petsa,” pahayag ng DOH.
Batay sa pinakahuling surveillance report, nananatiling ang Metro Manila ang may pinakamaraming fireworks-related injuries sa 139 na kaso na ang karamihan sa mga biktima ay lalaki, o 245 na kaso edad 1 hanggang 80 habang malaking bahagi rin o 167 na kaso ang nangyari sa mga kalsada at 130 naman ang nangyari sa mismong tirahan.
Nangunguna sa pinakamapanganib na uri ng paputok ang boga, kwitis, 5-star at fountain. Ito na ang huling araw ng monitoring ng DOH sa mga insidente ng nabiktima ng paputok sa bansa kaugnay ng Iwas-Paputok 2022-23 na kampanya ng pamahalaan.