MANILA, Philippines — Inatasan na ni Philippine Army Chief P/Lt. Gen. Romeo Brawner Jr. si 1001st Infantry Brigade (IB) Commander Brig. Gen. Jesus Durante III na makipagkooperasyon sa imbestigasyon ng Davao City Police sa pamamaslang sa negosyante at modelong si Yvonette “Yvonne” Plaza Chua na pinagbabaril ng riding- in-tandem sa lungsod ng Davao noong Disyembre 29.
Una nang nilinaw ni Durante, dating Presidential Security Group (PSG)Chief noong panahon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na nadawit ang kanyang pangalan dahil sa isang social media post ni Chua noong Abril 2022 kung saan inakusahan siya ng pambubugbog na binawi rin ng nasabing modelo kinalaunan.
Sinabi ni Durante na kaibigan niya si Chua at maging siya man ay hangad din ang hustisya sa pagkamatay nito.
Sa panig naman ni Capt. Mark Anthony Tito. tagapagsalita ng Army’s 10th Infantry Division (ID) na nakakasakop sa Army’s 1001st Brigade na wala pang pormal na reklamo silang natatanggap laban kay Durante.
Ayon kay Tito na nakikipagkoordinasyon ang 10th ID sa Police Regional Office (PRO) 11 sa imbestigasyon ng insidente at hinihintay na lamang nila ang magiging resulta ng pagsisiyasat.
Tiniyak naman ng opisyal na hindi kukunsintihin ng Army’s 10th ID sa pamumuno ni Major Gen. Nolasco Mempin ang anumang maling gawain ng kanilang mga tauhan at senior officers.