MANILA, Philippines — Nasa 144 na bagong kaso ng Omicron subvariants sa pinakabagong genome sequencing report ang natukoy ng Department of Health (DOH).
Sa huling biosurveillance report, nabatid na may 81 bagong BA.2.3.20 kaso ang naitala, isang kaso ng BA.2.75, pitong kaso ng BA.5; 43 kaso ng XBB, isang kaso ng XBC, at 11 kaso ng iba pang Omicron subvariants.
Ang mga ito ang resulta umano ng pinakahuling sequencing na isinagawa mula Disyembre 27, 2022 hanggang Enero 2, 2023.
Pawang mga lokal na kaso ang mga naiulat na BA.2.3.20 na nagmula sa Regions 3, 4A, 4B, 6, 8, at sa Metro Manila.
Ang isang kaso ng BN.1 na iniulat sa ilalim ng BA.2.75 ay nagmula naman sa Region 6 habang ang mga bagong kaso ng BA.5 ay mula sa Regions 3,4B, 6 at 12.
Subalit,ang bagong tukoy na XBB cases ay nagmula sa Regions 3, 4A, 6 at sa Metro Manila habang ang dagdag na XBC case ay galing naman sa Region 6.