MANILA, Philippines — Ngayong 2023 ay target ng Department of Agriculture (DA) na ibaba ang presyo ng sibuyas ng P80/kg per kilo mula sa P170 per kilo ngayong taon.
Sinabi ni Agriculture Assistant Secretary at spokesperson Kristine Evangelista na inaasahan nila ang “better supply” ng local onion harvest ngayong taon lalo pa’t hindi nila kinokonsidera ang pag-angkat noong nakaraang taon at naglagay sila ng mas maraming cold storage facilities sa strategic areas na magpapahaba ng shelf life ng nasabing kalakal.
Gayunman, nais ng DA na magpalabas ang mga onion farmers ng price points para maging stable ang farmgate prices sa buong taon.
Sinabi pa ni Evangelista, sa kalagitnaan ng Enero 2023, umaasa ang DA ng mas mababang presyo ng sibuyas sa gitna ng pagsisikap na mapabilis ang sapat na suplay ng sibuyas sa mga pamilihan at ang inaasahang harvest season.
Magkagayon man, sinabi ni Evangelista na kailangan pa rin nilang magsagawa ng stakeholders meeting bago sila magdesisyon sa presyo ng sibuyas, sa presyong P200/kg o mas mababa pa.
Noong Huwebes, una nang itinakda ng DA sa P250 ang suggested retail price (SRP) kada kilo ng pulang sibuyas sa mga wet markets sa National Capital Region (NCR), matapos na tumaas ang presyuhan nito sa P720 kada kilo.
Pero, patuloy pa ring umaaray ang mga mamimili dahil sa presyo ng sibuyas sa mga palengke sa Metro Manila hanggang nitong Lunes ay nasa P620 pa rin na lagpas sa SRP na P250/kilo.