Malacañang walang sisibaking empleyado
MANILA, Philippines — Patuloy na mananatili sa puwesto ang mga opisyal at kawani ng gobyerno sa ilalim ng Office of the President.
Matapos na mag-isyu ng Memorandum Circular No. 12 ang palasyo na pirmado ni Executive Sec. Lucas Bersamin kung saan pinahintulutan ang pagpapatuloy ng trabaho at tungkulin ng Officers-in-Charge (OICs) at Career Executive Service (CES).
Ito ay para matiyak umano na walang-tigil na operasyon sa gobyerno, habang isinusulong ang kakayahan, merito at kaangkupan sa pagpili at paghirang ng mga opisyal at tauhan ng mga kagawaran, ahensya, kawanihan at opisina sa Executive Branch.
Sa ilalim ng circular, ang OICs, kasama ang Non-Career Executive Service Officials na nakaupo sa CES positions ay magpapatuloy sa kanilang trabaho hangga’t may maitalaga sa posisyon o kapalit at maliban na lamang kung tinanggal, alinsunod sa mga kailangan at requirement sa kani-kanilang departamento, opisina at katulad.
Nakasaad pa sa circular, na ang CES eligibles na nasa CES positions kabilang ang on-stream candidates para sa CES eligibility ay mananatili sa trabaho, maliban na lamang kung reappointed o papalitan, o kung ang successors ay appointed o designated.
Matatandaan na sa Memo Circular No. 7, hanggang Dec. 31, 2022 na lamang dapat sa serbisyo ang mga opisyal at kawani ng Office of the President na co-terminus sa dating appointing authority.
- Latest