MANILA, Philippines — Inihayag ng Department of Health (DOH) na nasa 25 na ang bilang ng mga fireworks related injuries sa bansa habang nalalapit ang pagsalubong sa Bagong Taon.
Batay sa datos ng DOH nitong Martes, mula sa dating 20 ay nakapagtala pa sila ng limang bagong fireworks-related injuries mula sa 61 DOH sentinel hospitals hanggang alas-6:00 ng umaga ng Disyembre 27.
Ito ay mas mataas ng 14% kumpara sa 22 kaso lamang ng FWRIs na na–iulat sa kahalintulad na petsa noong nakaraang taon.
Sa naturang bilang, 23 o 92% ay mga lalaki habang ang 13 o 52% ay nagtamo ng eye injuries at dalawa o 8% ang nagtamo ng blast/burn injuries na may amputation o naputulan ng bahagi ng katawan.
Ang limang pangunahing dahilan ng FWRI ay ang boga (8 kaso); whistle bomb (4); kwitis (3); 5-star (2) at unknown (2).
Pinayuhang muli ng DOH ang publiko na umiwas na sa paputok at gumamit na lamang ng mga alternatibong paraan ng pag-iingay sa pagsalubong sa Bagong Taon.