Higit P7 milyong shabu sa sako ng chicken feeds nasabat

MANILA, Philippines — Umiskor ang mga ope­ratiba ng Taguig City Police matapos nilang masabat ang mahigit P7 milyong halaga ng shabu sa isang lalaki na kanilang sinita sa ikinasang Oplan Galugad sa Barangay Maharlika Village ng natu­rang lungsod, kamakalawa ng gabi.

Sa ulat ng Taguig Police kay National Capital Region Police Office (NCRPO) chief, P/Brig. General Jonnel Estomo, dakong alas-6:30 ng gabi ng Disyembre 23 nang ikasa ang anti-criminality operation sa pamamagitan ng Oplan Galugad ng magkasanib na puwersa ng MCU Substation 7 at Taguig Mobile Police Unit sa Quiapo Dos, Cagayan De Oro St., Brgy. Maharlika Village.

Habang ginagalugad ang lugar nang mapansin ang isang lalaki na may kahina-hinalang kilos na basta na lamang binitawan ang dalang sako ng “Thunderbird Baby Stag” feeds developer at nagtatakbo patakas.

Nang siyasatin ang sako ay natuklasang naglalaman ng isang Chinese tea bag, isang timbangan, 2 medium heat sealed na transparent plastic na naglalaman ng crystalline substance na pinaniniwalaang shabu, na tumitimbang ng 1,140 gramo na may katumbas na halagang P7,752,000.00.

Hinabol man ang suspek na kilala sa alyas na “Racks” subalit nakatakas na ito.

Show comments