DND sa militar: Presensya sa West Philippines Sea, palakasin pa
MANILA, Philippines — Inatasan kahapon ng Department of National Defense (DND) ang Armed Forces of the Philippines (AFP) na palakasin ang presensya sa West Philippines Sea (WPS) sa gitna ng ulat ng bagong Chinese activities sa lugar.
Inihayag ito ng DND kasunod ng ulat ng Bloomberg ukol sa pagtatayo ng China ng bagong constructions at reclamations na hindi bababa sa apat na unoccupied features sa Spratlys– Eldad Reef, Whitsun Reef, Lankiam Cay at Sandy Cay.
Matatagpuan ang Eldad at Whitsun Reefs 48 at 60 nautical miles, mula sa Pag-asa Island at saklaw ng 200 nautical miles exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas.
Base sa DND, ang “encroachment” sa WPS o reclamation sa features nito ay banta sa seguridad ng Pag-asa Island “which is part of Philippine sovereign territory.”
Idinagdag nito na delikado ang mga ganitong aktibidad sa marine environment at maaaring ikasira ng estabilidad sa rehiyon.
Nanawagan ang DND sa China na obserbahin ang umiiral na international order at iwasan na palalain ang tensyon sa WPS at South China Sea.
Pinabulaanan ng Chinese embassy sa Manila at ng South China Sea (SCS) Probing Initiative ang ulat ng Bloomberg at tinawag itong “fake news.”
- Latest