MANILA, Philippines — Isang 77-anyos na ginang na kapatid ng alkalde sa bayan ng San Isidro, lalawigan ng Leyte ang nasawi nang ito ay pagbabarilin habang sakay ng kanilang sasakyan sa naganap na ambush sa kahabaan ng national highway, Sitio Kamote, Barangay Libongao Kananga, Leyte, kamakalawa ng hapon.
Ang biktima na nasawi noon din ay nakilalang si Juanita Balmoria Veloso sa tinamong limang tama ng bala sa katawan.
Sa ulat, alas-4:00 ng hapon ay sakay ang biktima na may tatlong kasama sa loob ng Land Cruiser nang sila ay pagbabarilin ng mga suspek na lulan ng isang pribadong sasakyan na kung saan ay naplakahan ng mga saksi na AVN-7103.
Ang biktima ay isang retiradong municipal administrator ng San Isidro, ay kapatid ng kasalukuyang alkalde na si Mayor Remedio Veloso.
Ipinag-utos ni Police Regional Office-8 Regional Director, P/Brig. General Rommel Marbil ang malaliman na imbestigasyon sa Kananga Municipal Police na nagsagawa na rin ng pagtugis sa mga suspek.
Narekober sa lugar ng krimen ang nasa 40 basyo ng bala.
Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya upang madetermina kung ang motibo ng pagpatay sa biktima ay politically motivated o personal na away at pagkilala sa mga gunmen at sino ang nasa likod ng ambush.