MANILA, Philippines — Sobrang proud si Pauleen Luna sa kanyang anak na si Talitha nang mag-lead ng Pambansang Awit sa Christmas party ng kanilang school.
Sobrang cute ni Tali na bago siya kumanta ay pinakiusapan ang lahat ng: “Hi everyone. Please stand up and put your right hand over your chest as we sing the Phillipine National anthem.”
Nakakatuwa ang pag-lead niya ng “Bayang magiliw… handa, awit!”
Sabi ni Pauleen, matagal na raw kabisado ni Tali ang Lupang Hinirang.
Pinusuan nang bonggang-bongga ang post na ito ni Pauleen, at isa nga sa natutuwa at proud na proud din ay si Danica Sotto-Pingris.
Kaya sina-suggest ko nga kay Pauleen na minsan ay ipa-lead niya si Talitha sa regular na flag-raising ceremony sa Pasig City ng kuya niyang si Mayor Vico Sotto.
Ipinagmamalaki noon ni Vic Sotto na mahilig kumanta si Tali, na kahit nga raw ang sasabihin nito ay kinakanta.
Kaya hindi nakakapagtakang makabisado niya ang ating Pambansang Awit.
Nasa pre-Kinder pa lamang si Tali at sa susunod na taon ay Kindergarten na siya pero nakakapagsalita na nang maayos at marunong pang magbasa.
Malaking bagay ang tamang pag-aalaga ni Pauleen at talagang nakatutok siya rito.
Joey, ayaw tapatan si Vic
Napapansin ng ilang taga-showbiz na wala pa gaanong ingay ang Metro Manila Film Festival na magsisimula na sa Dec. 25.
Inaasahang magkakaroon na ng awareness lahat sa kanilang parada sa Dec. 21.
Nagtitipid kasi ang karamihang producers sa kanilang promo kaya hindi sila gumagastos sa ad placement sa TV.
Kung sakali, sa GMA 7 lang sila mabigyan ng magandang exposure, dahil ito lang ang pinakamalakas na TV network.
Kaya idinadaan na lang nila sa pagpapa-presscon at sa social media.
Sa nakaraang presscon ng pelikulang My Teacher nina Joey de Leon at Toni Gonzaga, sinabi ni Joey na inalam daw muna niya kung may MMFF entry ba si Bossing Vic Sotto para hindi niya ito tatapatan.
Nalaman daw niya sa mag-asawang direk Paul Soriano at Toni na hindi gagawa ng pang-MMFF si Bossing Vic kaya tinanggap niya itong My Teacher.
“Hindi siya gagawa, so sayang, sabi ko. Pinili ko ‘yung kay Toni. Actually ang daming offers. Meron talaga, hindi na ako nagpepelikula, e. Semi-retired na ako. So ‘yun ang istorya.
“Binigyan ako ng free hand ni Direk na sumundot sa… hindi ko matiis na hindi magpatawa e. So may mga eksena dun na… pinayagan naman niya at saka lulusot naman. Hindi masyadong seryoso para kumpleto.
“Kumpleto ‘yung pelikula e. Saka na-miss ko ‘yung Iskul Bukol, tungkol sa school ito e. Na-miss ko rin si Miss Tapia,” pakuwela pa ring pahayag ni Tito Joey.
Doon sa presscon ay inamin ni Tito Joey na nagtampo siya sa pag-alis ni Toni sa Eat Bulaga, pero nagkaayos naman at nakalimutan na ang mga tampo-tampo.
Kaya si Tito Joey na rin ang nag-react sa ilang bashing sa mag-asawang direk Paul at Toni.
Nag-react din siya sa sinasabi ng iba na the most powerful celebrity raw si direk Paul. “Nabasa ko ‘yun. Mali kasi naman ‘yung mga bashers. Pinuputol nila dun sa ano, e!,” bulalas ni Tito Joey.
“Ang sinasabi ni Paul dun sa kabuuan, sabi niya, equally powerful ‘yung mga tumitira kay Toni. E hindi naman ito nagre-react, hindi natitinag. So powerful ito… mas powerful. Kasi hindi niya pinapansin e,” sabi lang ni Tito Joey.
Gustong i-enjoy na lang ni Tito Joey ang MMFF ngayong taon.
Wala raw sa isip niya ang magka-award dito, pero nakikita sa trailer ang magaling niyang pagganap bilang pinakamatandang estudyante ni Toni.
Itong pelikulang My Teacher ang isa sa gustong unang panoorin ng mga tao.
Sa radio program namin sa DZRH ay nagtanong ako sa listeners kung alin sa walong pelikulang kalahok ang gusto nilang panoorin.
Nagulat akong ang Mamasapano: Now It Can Be Told ang may pinakamaraming comments na curious silang panoorin ito.
May mga nag-comment din dito sa My Teacher, sa Family Matters, Nanahimik ang Gabi at ang Labyu with an Accent nina Coco Martin at Jodi Sta. Maria.