NFA warehouse ininspeksyon ni Marcos
MANILA, Philippines — Nagsagawa ng “surprise inspection” si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa warehouse ng National Food Authority (NFA) sa Valenzuela City, nitong Sabado at tiniyak ang tuluy-tuloy na supply ng bigas sa mga site ng Kadiwa ng Pasko na maaaring ibenta sa halagang P25 kada kilo.
“May nagtanong nung nasa ano tayo, nung nasa Quezon City tayo, ‘yung saan manggagaling ‘yung supply na pinagbibili natin sa mga Kadiwa. So pinuntahan ko na muna. Mukhang may laman naman ‘yung mga warehouse at mayroong parating pa nga,” ani Marcos sa panayam ng media matapos ang warehouse inspection.
Ayon sa Pangulo, may sapat na suplay ng bigas sa warehouse ng Valenzuela City, bagama’t binawasan ng gobyerno ang pag-aangkat at inilipat sa priority ang local sourcing ng produkto.
Ayon pa kay Marcos, kailangan bantayan nang husto ang suplay dahil mararamdaman na naman ang kakulangan ng suplay kapag sumama ang panahon.
“Pero siyempre kailangan bantayan nang husto ‘yan because ‘pag nag --- ‘pag tinamaan na naman tayo ng masamang weather, mararamdaman na naman natin ‘yan sa supply ng palay, ng bigas,” ani Marcos.
Sa kaso ng supply ng sibuyas, sinabi ng Pangulo na gumagawa sila ng paraan kung paano mahawakan ang mga smuggled na sibuyas upang mabilis na maihatid sa merkado.
Bago ang inspeksyon ng NFA, pinangunahan ni Pangulong Marcos ang paglulunsad ng Kadiwa ng Pasko sites din sa Valenzuela City, ang pinakabagong karagdagan sa mahigit 350 Kadiwa sites sa buong bansa.
- Latest