MANILA, Philippines — Ilang oras matapos na sertipikahang urgent ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, ay inaprubahan na nitong Huwebes ng gabi sa Mababang Kapulungan ng Kongreso sa ikatlo at pinal na pagbasa ang House Bill (HB) 6608 na naglalayong magtatag ng Sovereign Wealth Fund (SWS) sa bansa.
Si House Speaker Martin Romualdez ang nag-preside sa plenaryo ng Kamara sa botohan sa HB 6608 o ang Maharlika Investment Fund (MIF).
Ayon kay Romualdez 90% o 282 sa kabuuang 312 mambabatas ng Kamara ang nagsilbing co-author at sumuporta sa panukalang batas.
Sa botong 279 pabor, anim ang tumutol at walang abstention ay ganap na napagtibay sa plenaryo ng Kamara pasado alas-7:00 ng gabi ang HB 6608.
Kabilang sa mga tumutol sa MIF Bill ay ang Makabayan bloc solon na sina ACT Teachers Rep. France Castro, Gabriela Partylist Rep. Arlene Brosas at Kabataan Partylist Raoul Manuel gayundin sina 3rd District Camarines Sur Rep. Gabriel Bordado Jr. at Basilan Rep. Mujiv Hataman.
Ayon kay House Majority Leader Jose Manuel “Mannix “ Dalipe, alinsunod sa Saligang Batas ay may prerogatibo si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na isertipika bilang urgent ang nasabing panukalang batas.
Bago ito inaprubahan kahapon ng hapon sa pamamagitan ng viva voice voting ang MIF matapos ang masusing deliberasyon, paghimay at amyenda ng mga mambabatas sa nasabing panukalang batas.
Ayon kay Romualdez, matapos mapagtibay ang amyenda sa nasabing panukalang batas, kabilang sa mapagkukunan ng pondo ay ang Land Bank of the Philippines, Development Bank of the Philippines (DBP), Philippine Gaming and Amusement Corp. (Pagcor) at Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) bilang MIF contributors.
Nakasaad sa panukala na kukuha ng pondo sa Land Bank of the Philippines, Development Bank of the Philippines (DBP), Philippine Gaming and Amusement Corp. (PAGCOR) at Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) bilang MIF contributors.
Sa kautusan ni Romualdez ay tinanggal na ang kontribusyon sa MIF na hindi na kukunan ng pondo ang Social Security System at Government Service Insurance Systems dahilan sa mga pensiyon funds ito mula sa mga pribadong sektor at manggagawa sa gobyerno.