MANILA, Philippines — Bumaba na ang presyo ng asukal sa P95 kada kilo at sapat ang suplay nito hanggang sa susunod na taon.
Sinabi ni Agriculture Assistant Secretary Kristine Evangelista sapat ang suplay ng asukal sa ngayon kumpara noong mga nakaraang buwan makaraang mag-ani ang mga sugar farmers ng tubo.
“Nakikita na natin na there were months na P120 umabot ang ating refined, ngayon nasa P95 na po,” sabi ni Evangelista.
Anya, patuloy ang koordinasyon ng Sugar Regulatory Authority (SRA) sa local traders para maging stable ang presyuhan ng asukal at suplay nito sa bansa.
Hindi anya kukulangin ang suplay ng asukal hanggang sa pagpasok ng susunod na taon kahit na in-demand ito ngayong holiday season.
“That is the objective. We are looking at the cost structure, now we see it at P95. Although meron tayong of course tinitignan na pwedeng mag-P90, pero meron tayong kino-consider na factors, also taking into consideration ‘yung mga movement ng gasolina,” sabi pa ni Evangelista.