MANILA, Philippines — Ang bilis talaga ng pag-inog ng panahon. Parang kailan lang ang pagsulpot ng COVID-19 hanggang maging pandemic nga ito.
Aba, akalain bang halos tatlong taon na rin nating nilalabanan ang pandemya.
Ngayong maluwag na muli ang protocol kaya halos lahat ay atat na atat nang nagsilabasan mga tao na muling bumabawi sa hagupit ng dulot ng pandemic.
Minsan man tayong nakulong sa mismong rehas ng ating tahanan, ngunit natutunan din nating mamuhay na nasanay na nga tayo dahil bahagi na ng ating buhay ang COVID sa ating paligid.
Sabi nga nila, sa bawat problema maging katulad nga ng pandemya, laging may dalawang mukha ng negatibo at positibo. Bagama’t malaki ang dagok ng pandemic sa atin, natutunan pa rin nating umahon at harapin ang mga pagsubok.
Ang mahalaga ay marami ang mas tumutok sa positibong pananaw. Kahit marami man sa atin ang nawalan ng mahal sa buhay dahil sa COVID-19.
Kahit na nalimitahan minsan ang ating pagkilos, aktibidad, at ibang aspeto ng ating buhay dahil sa pandemic; hindi ito naging hadlang upang mas lalong pagtibayin ang ating disposisyon sa buhay.
Kung kaya sa pagdiriwang ng ika-19 anibersaryo ng PM Pang Masa ngayong araw, sumasaludo ang pahayagang ito sa ating mga giliw na mambabasa sa pagbangon at pilit na hinaharap ang hamon ng buhay.
Upang hindi sumuko para itaguyod ang ating mga kanya-kanyang pamilya, mga anak, mahal sa buhay, ka-barangay, kaopisina, at upang mag-iwan ng magandang alaala at kasaysayan sa ating bayan para sa mga susunod pang henerasyon ng pamilyang Pilipino.
Dahil hindi natinag ang mga mamamayan na ngayon ay bumabalik muli sa realidad ng buhay. Imbes na magpatalo ay bagkus mas naging matatag at madiskarte sa kung paano nga ba maitatawid ang gutom at pagkalam ng sikmura sa kabila ng pagtaas ng mga presyo o bilihin.
Hindi rin nagpatalo ang mga indibiduwal sa banta ng giyera, hagupit ng mga kalamidad, at kahit sa mga simpleng sitsit ng mga marites sa paligid. Upang ipaglaban at itaguyod ang ating mga pamilya.
Ganito rin ang pagsabay at pagsulong ng PM Pang Masa na pahayagan sa pagdaan ng ika-19 taon ngayon. Tumatanaw ng malaking utang na loob mula sa aming mga avid na readers, dealers, at advertisers na hindi bumibitaw sa PM sa pagsama sa loob ng loob ng 19 taon.
Upang ang mga kinatawan din naman ng pahayagan ito mula sa sa pangunguna ni Pres. Miguel Belmonte at mga bawat manggagawa ng aming kompanya at opisina hanggang sa mga empleyado at makineryo.
Upang ang amin din namang bulsa ay magkalaman at mayroon ding konting pagsasaluhan ang aming mga pami-pamilya sa mga hapag-kainan. Mapag-aral ang mga anak at ibang mahal sa buhay. Maipagamot tuwing mayroong nagkakasakit sa aming pamilya. Dahil hindi kayo nagsawa at bumitaw sa pagtangkilik sa pagbabasa ng PM.
Dahil ang totoo, kayong mga aming masugid na loyal na mambabasa, dealers, at advertisers ang siyang bayani na bumubuhay sa bawat pamilya ng mga kinakatawan ng pahayang PM.
Sa pagtatapos ng taong 2022 at sa muling pagbubukas ng bagong yugto ng kabanata ng taong 2023 taos puso pa rin ang aming pasasalamat sa Panginoon. Sama-sama tayo sa pagbangon at muling mangarap na maitatawid muli sa biyaya ng Panginoon ang ating buhay.
Hindi man natin alam kung saan pa tayo dadalhin ng ating pahina ng ating kapalaran, ngunit hindi magsasawang magpasalamat at magbigay serbisyo ang PM Pang Masa na patuloy na magiging palaban at maaasahan sa ano pang hamon ng buhay sa pagbabalita at pag-aliw mula sa unang pahina hanggang sports ng pahayagang ito.