MANILA, Philippines — Inihayag kahapon ng Philippine Statistics Authority (PSA) na pumalo sa 8 porsyento ang inflation o pagtaas ng presyo ng mga bilihin nitong nakalipas na buwan ng Nobyembre na mas mataas kumpara sa 7.7 porsyento na naitala noong Setyembre.
Sinabi pa ng PSA na ito na ang pinakamabilis na inflation sa nakalipas na 14 taon matapos ang Global Financial Crisis noong 2008.
Ayon kay PSA officer-in-charge Divina Gracia Del Prado, ang pagtaas ng presyo ng bilihin ay bunsod ng bagyong tumama noong Oktubre.
Sa pagtaya ng Department of Agriculture, umabot sa halagang P4.27 bilyon ang pinsala sa agrikultura dahil sa matinding pag-ulan at pagbaha dulot ng bagyong Paeng.
Ayon pa sa PSA, ang presyo ng pagkain at non-alcoholic beverages ang nanguna sa talaan ng mabilis na pagtaas ng presyo.
Sumunod ang gulay na labis na naapektuhan ang sektor ng pagsasaka dahil sa mga nagdaang bagyo.
Bagama’t bumilis ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin, pasok pa rin naman ito sa forecast range ng Bangko Sentral ng Pilipinas na papalo sa 7.4 hanggang 8.2 porsyento ang inflation sa buwan ng Nobyembre.