Suplay ng karneng baboy sa merkado sapat
MANILA, Philippines — Kahit na mataas ang demand ngayong holiday season ay sapat pa rin ang suplay ng karne ng baboy sa panahon ng Kapaskuhan at Bagong Taon.
Ayon kay Rolando Tambago, Pangulo ng Pork Producer Federation of the Philippines Inc., hindi kukulangin ang suplay ng karneng baboy dahil malaki ang imbentaryo nito na sobra pa hanggang sa unang tatlong buwan ng 2023.
Pumapalo ang farmgate price ng live hogs sa P155 hanggang P175 kada kilo. Umaabot naman sa P300.00 kada kilo ang presyo sa mga palengke ng pork kasim at P360.00 kada kilo ng pork liempo.
Kaya’t hinikayat ng grupo ang pamahalaan na huwag nang palawigin ang implementasyon ng EO 171 na nagpapababa ng taripa sa mga imported na karne.
Ayon sa grupo, ang naturang kautusan ay hindi nakakatulong sa mga hog raisers at magsasaka.
Dulot umano ng EO 171 ay nawalan ang gobyerno ng P12 bilyon koleksyon sa taripa sa imported products na dapat sana ang naturang pondo ay ginamit sa pagpapahusay sa mga programa ng pamahalaan sa agrikultura.
- Latest