Bonifacio Day sinalubong ng protesta
MANILA, Philippines — Sinalubong ng mga militanteng grupo ng protesta ang paggunita kahapon ng ika-159 anibersaryo ng kapanganakan ni Andres Bonifacio at hiniling ang dagdag-sahod at mas maraming trabaho.
Matapos ang isang programa sa Plaza Miranda sa Maynila, nagmartsa pa-Liwasang Bonifacio ang mga grupo para sa wreath laying ceremony, at tumuloy sa Mendiola.
Lumahok sa nasabing pagdiriwang ang mga miyembro ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan), All Workers Unity, Nagkaisa, Bukluran ng Manggagawang Pilipino, Alliance of Concerned Teachers at Gabriela para ipanawagan ang umento sa sahod at pagtigil sa kontraktwalisasyon at red-tagging.
Base sa datos ng gobyerno, nasa 5% ang unemployment rate sa bansa noong nakaraang Setyembre na mas mababa na sa 8.9% na naitala noong Setyembre 2021. Pero nasa 15.4% naman ang underemployment rate sa ngayon.
Itinuro ni Labor leader Leody De Guzman ang patuloy na pamamayani ng contractual labor sa pamamagitan ng mga manpower agencies sa nagdudulot ng matinding “job insecurity”.
Sinisi niya si dating Pangulong Rodrigo Duterte sa pagkabigo niya na matupad ang kaniyang pangako sa kampanya na wakasan ang kontraktuwalisasyon.
- Latest