Lolo nabagok sa paglikas sa sunog
MANILA, Philippines — Idineklarang dead on arrival sa ospital ang 67-anyos na lolo matapos mabagok ang ulo habang lumilikas sa sunog sa Brgy. Holy Spirit, Quezon City, kahapon ng madaling araw.
Kinilala ang nasawi na si Delfin Enerva, residente ng nasabing barangay.
Sa inisyal na report ng Bureau of Fire Protection (BFP) ng Quezon City, alas-4:00 ng madaling araw nang magsimulang sumiklab ang sunog sa ikalawang palapag ng bahay ni Nestor Bactismo sa Saint Vincent St., Brgy. Holy Spirit.
Nabatid na malaki na ang apoy at hindi na niya naapula kaya’t iniligtas na lang ang mga anak.
Mabilis kumalat ang apoy sa mga katabing bahay kaya’t nagmamadaling nagsilikas ang mga kapitbahay kabilang ang biktima.
Gayunman, habang lumilikas ay minalas na madulas ang biktima at mabagok ang ulo na nadala pa sa ospital, pero binawian din ng buhay.
Nasa 20 pamilya ang nawalan ng bahay sa sunog na tumupok sa may 10 tahanan at alas-5:50 ng madaling araw nang maideklarang under control ang sunog bago tuluyang naapula dakong alas-6:20 ng umaga.
- Latest