MANILA, Philippines — Ipinahayag kahapon ni Sen. Sonny Angara na maaaring ipagpatuloy ng Department of Transportation (DOTr) ang ‘Libreng Sakay’ program sa susunod na taon dahil pinondohan na ito sa panukalang 2023 national budget.
“Alam ko tuloy ho ‘yun. Nasa budget ho ‘yung para sa Libreng Sakay. Dinagdagan din po nila… Ang head ho niyan sina Senator Grace Poe,” wika ni Angara.
“Talagang nakatutok siya diyan sa ayuda, sa mga tsuper, sa mga operator ng PUV, tricycle, lahat ‘yan may mga tulong—-‘yung vouchers, fuel vouchers, ‘yung Libreng Sakay. ‘Yan ang ilang programa na talagang natutulungan ay pangkaraniwang mamamayan,” dagdag pa ng chairman ng Senate committee on finance.
Noong Agosto, P12 bilyon ang hiniling na pondo ng DOTr para maipagpatuloy ang programa sa susunod na taon pero nang lumabas ang 2023 National Expenditure Program (NEP) ay hindi ito kasama sa pinondohan.
Ipinaliwanag ni Budget Undersecretary for Media Affairs, Community Relations, and Internal Audit Goddess Libiran na ang service contracting program ay isang “non-recurring” o “one-time expenditure item” kaya hindi naulit ang pagpopondo nito sa 2023.
Ang Libreng Sakay program ng DOTr ay produkto ng Republic Act No. 11494 o Bayanihan to Recover as One Act noong 2020 na naglalayong tulungan ang mga commuter na apektado ng pandemya.