2K abandonadong balikbayan box maidedeliber na bago mag-Pasko
MANILA, Philippines — Bago sumapit ang Pasko ay pipilitin umano ng Bureau of Customs (BOC) na maideliber na sa mga recipients ang natitirang higit-kumulang na 2,000 balikbayan boxes na inabandona ng courier nito sa bodega sa Bulacan.
“‘Yun ang pinipilit at pinagdadasal natin na…mai-deliver ito bago mag-Pasko. Mahigit kumulang na lang naman na mga 2,000 balikbayan boxes na natitira dito sa Balagtas, Bulacan,” ayon kay BOC spokesperson Arnaldo dela Torre Jr.
Sinabi ni BOC spokesperson Arnaldo dela Torre Jr. na sisimulan nila sa darating na linggo ang mga deliveries sa mga probinsya ng walang babayaran ang mga recipient.
Maaalala na nagkagulo sa Bulacan warehouse nang sumugod ang ilang mga recipients dahil sa hindi maayos na direksyon para sa paglalabas ng kanilang mahigit pang 4,600 balikbayan boxes na naantala ng ilang buwan.
Ang mga kahon ay galing ng Middle East na sinasabing inabandona ng dayuhang courier services sa BOC na modus ang panloloko sa kanilang mga kliyente.
Nagpapatuloy naman ang personal na pagkuha ng mga pakete ng mga recipients sa kanilang bodega na kailangan lamang magpakita ng balidong ID, authorization letter kung hindi sa kanila nakapangalan ang package, at kopya ng “sender’s passport”.
- Latest