MANILA, Philippines — Binalaan ng Department of Health (DOH) ang publiko sa talamak na bentahan ng mga pekeng gamot sa online na tumindi nitong kasagsagan ng lockdown dulot ng pandemya.
Ayon kay DOH Officer-In-Charge Maria Rosario Vergeire, “global public threat” na ang paglipana ng pekeng gamot dahil maaaring magkaroon ito ng masamang epekto sa kalusugan.
Sa pag-aakalang gagaling sa mas murang gamot na mabibili sa online, sinabi ni Vergeire na maaaring lumala pa ang sakit at posibleng magkaroon ng masamang reaksyon kung gagamitin na may kumplikasyon sa ibang medikasyon ng pasyente.
Ayon naman sa Food and Drugs Administration (FDA), may ilang mga botika o manufacturer ang may opisyal na account sa mga online shopping platform ngunit mas marami ang seller na hindi lisensyado at mahirap ma-trace.
Sa datos ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group, umabot na sa P53 milyong halaga ng pekeng COVID-19 test kits ang nakumpiska nila mula noong 2020.
Ngunit sa mga kasong naisampa, nasa 24% na ang nadismis dahil sa kakulangan ng sertipikasyon ng mga manufacturer na peke ang kanilang nakumpiskang mga ebidensya.