Drug lord itinuro ni Bantag sa Lapid slay
MANILA, Philippines — Sa kauna-unahang pagkakataon ay binasag na ni suspended Bureau of Corrections (BuCor) chief Gerald Bantag ang katahimikan at itinuro ang drug lord na si German Agojo na siyang may pakana sa pagpapapatay sa broadcaster na si Percy Lapid (Percival Mabasa).
Sa panayam ng SMNI, iginiit niya na si Agojo ang boss ng sumuko at umamin na gunman na si Joel Escorial at middleman na si Cristito Palaña o mas nakilala sa alyas na Jun Villamor.
“Attention Lapid family,‘yung pumatay po kay Percy Lapid ay tauhan nitong Agojo … Anong papel niya sa buhay? Tauhan niya raw ‘yung pumatay na si Escorial at Villamor na kaibigan niya, tauhan nitong si Agojo. Nakikita ninyo ba ang koneksyon? Ito ba pag-uutusan ko ba ito?” saad ni Bantag.
Hindi naman nito ipinaliwanag kung bakit kailangang ipapatay ni Agojo si Lapid at iginiit na hindi siya ang nasa likod ng naturang krimen.
“Bakit ko papatayin ‘yung tao, dahil lang doon sa walang kuwentang hindi naman sa akin,” giit ni Bantag patungkol sa mga ari-arian na isiniwalat ni Lapid sa kaniyang programa na pag-aari ng isang mataas na opisyal umano ng Department of Justice na tinawag niyang “Cinderella man”.
Sinagot din ni Bantag ang hamon ni Remulla na harapin niya ang reklamo sa pagbibigay ng kaniyang counter-affidavit at huwag sa media. Sinabi niya na wala pang warrant of arrest na inilalabas laban sa kaniya.
“Wala naman ako, wala naman akong warrant of arrest pa, tapos sasabihin ninyo surrender? Pinagbakasyon ninyo ako ng three months, tapos sasabihin niyo nag-AWOL na ako? Anak ng teteng naman, Boying naman,” ayon pa sa kaniya.
Hinamon din ni Bantag ang kalihim na magbitiw sa puwesto dahil sa wala na umano itong kredibilidad makaraan na mahuli ang kaniyang anak sa iligal na droga.
- Latest