MANILA, Philippines — Nagwakas na ang madugong bakbakan sa pagitan ng tropa ng mga sundalo at ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) sa lalawigan ng Basilan matapos na lagdaan ang ceasefire agreement ng magkabilang grupo.
Ayon kay ret. Gen. Carlito Galvez, Secretary ng Office of the Presidential Adviser on Peace, Reconciliation and Unity (OPAPRU), ang ceasefire agreement ay nilagdaan ng kaniyang tanggapan at ng MILF pasado alas-4:00 ng hapon nitong Nobyembre 10 ng taon ito.
Magugunita na una nang nanawagan ng ceasefire si Basilan Rep. Mujiv Hataman sa pagitan ng puwersa ng militar at ng MILF matapos na magbakbakan ang magkabilang panig.
Noong Nobyembre 8 ay sumiklab ang bakbakan ng Army’s 101st Infantry Brigade at MILF-Bangsamoro Islamic Armed Forces (BIAF) 114 Base Command sa Brgy. Ulitan, Ungkaya Pukan, Basilan na kung saan ay nasawi ang tatlong sundalo, 15 sugatan habang nasawi ang apat na miyembro ng MILF.
Kabilang naman sa lumagda sa ceasefire agreement ay sina Brig. Gen. Eduardo Gubat, Chairperson ng Government of the Philippines – Coordinating Committee on Cessation of Hostilities (GPH-CCCH), Brig. Gen. Domingo Gobway, Commander ng 101st Infantty Brigade, Brig. Gen. Antonio Rojas, Acting Comander ng AFP-Western Mindanao Command (AFP-Westmincom), Col. Frederick Sales, Team 3 Leader ng GPH-Adjoc Joint Action Group at Lt. Col. Cyril Santander.
Habang sa panig ng MILF ay sina Butch Malang, Chairman ng MILF CCCH; Anwar Alamada, Chairman ng MILF-AHJAG, Malik Caril, Officer-in-Charge ng Bangsamoro Islamic Armed Forces – MILF at iba pa.