2 nasibak na Manila traffic enforcer timbog sa kotong
MANILA, Philippines — Dalawang lalaki na dating mga tauhan ng Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) ang inaresto nang mahuli sila sa akto na nangongotong sa mga motorista kahapon ng madaling araw sa Pandacan, Maynila.
Kinilala ang mga naaresto na sina Rocky Macarian, 34, ng Int. 61 Bo. Barona, Pandacan; at Jeromie Millel, 43, ng Concha Street, Tondo, mga dating miyembro ng MTPB na nasibak sa trabaho dahil sa mga kaso ng pangongotong.
Sa ulat ng Manila Police District-Special Mayors React Team (SMaRT), alas-3:00 ng madaling araw nang magkasa ng operasyon ang Special Operations Group ng MTPB sa may Quirino Avenue sa Pandacan bilang bahagi ng kanilang kampanya laban sa mga dati nilang tauhan na patuloy na nagpapanggap na traffic enforcers at nangongotong ng mga motorista.
Nahuli sa akto ang dalawang suspek na nakasuot ng MTPB uniform na namamara ng mga trak sa naturang lugar. Nang lalapitan ang dalawa ay bigla umanong lumayo sila at nagtanggal ng kanilang suot na uniporme at nagtatakbo hanggang masakote.
Sasampahan ng kasong paglabag sa Usurpation of Authority of Official Functions at Illegal Used of Uniform and Insignia.
- Latest