MANILA, Philippines — Inihayag kahapon ni Labor Secretary Bienvenido Laguesma na pag-aaralan ngayon ng Regional Tripartite Wages and Productivity Boards (RTWPBs) ang patuloy na pagtaas ng inflation sa bansa upang mabatid kung kailangan na muling magkaroon ng panibagong dagdag sa suweldo ng mga manggagawa para makaagapay sa pagmahal ng mga pangunahing pangangailangan.
Sinabi ni Laguesma na kaaapruba lang ng mga RTWPBs sa ilang mga rehiyon at epektibo pa lamang ito may limang buwan pa lamang ang nakalilipas.
“Sa ating umiiral na batas, once lang nagkakaroon ng adjustment sa loob ng isang taon,” saad ni Laguesma.
“Subalit, siyempre minomonitor ng ating mga Regional Tripartite Wages and Productivity Boards ang kinalaman doon sa mga factors na nagtutulak upang makita natin kung kinakailangan bang magkaroon ng assessment at mangangailangan pa ng adjustment uli,” dagdag niya.
Unang nanawagan ang Partido Manggagawa sa pamahalaan na magpatupad na ng P100-across-the-board na pagtaas sa minimum wage sa buong bansa, dahil sa matinding inflation rate na pinakamataas sa loob ng 14 na taon nang pumalo ito sa 7.7% ng Oktubre mula sa 6.9% nitong Setyembre.
Sinabi naman ng Philippine Statistics Authority (PSA) na nasa P85 sentimos na lamang ngayon ang halaga ng 1 piso nitong Oktubre.
Aminado si Laguesma sa pagbaba ng halaga ng sahod ng manggagawa dahil sa mataas na halaga ng pagkain, utilities, at transportasyon ngunit kailangan pa rin umanong pag-aralan ang pagbalanse sa pangangailangan ng mga manggagawa at ng kanilang employers.