MANILA, Philippines — Isang lalaki na nagpakilalang Army Colonel reservist ang inaresto ng mga otoridad matapos makumpiskahan ng anim na matataas na kalibre ng baril sa Nagcarlan, Laguna, kamakalawa.
Kinilala ni Col. Randy Glenn Silvio, Laguna police director, ang suspek na si Vincent Conejos, ng Parañaque City na nabigong magpakita ng mga dokumento na pag-aari niya ang anim na baril at mga bala at pagpapatunay na siya ay Army reservist.
Nabatid na nakatanggap ang Nagcarlan police ng impormasyon mula sa mga concerned citizens na may nagpaputok ng baril sa Barangay Tipacan, noong Linggo, ala-1:00 ng hapon.
Kaya naman agad na tinungo ng mga otoridad ang lugar at dito ay naharang nila ang suspek at nang siyasatin ang sasakyan ay nakita ang anim na M16 rifle, 2 handheld radio, 2 piraso ng military uniforms, 4 piraso ng military vest, military bandoler, dalawang piraso ng magazine na may lamang mga bala.
Nakatakdang kasuhan ang suspek ng indiscriminate firing at paglabag sa 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.