‘Fertilizer vouchers’ ibibigay ni Marcos Jr…
MANILA, Philippines — Mamimigay ang pamahalaan ng mga “fertilizer vouchers’ para sa mga kuwalipikadong magsasaka na bahagi ng programa na pataasin ang ani at palakasin ang agrikultura sa bansa.
Sa inilabas na Memorandum Order 65 ng Department of Agriculture na pinamumunuan din ni Pangulong Ferdinand Marcos ay nakapaloob ang National Rice Program na sasalain ang mga magsasaka na mabibigyan ng vouchers para sa “urea fertilizers”.
“The use of fertilizer vouchers offers an alternative to farmers with lowered purchasing power to buy a sufficient volume of urea recommended for their rice area,” ayon sa Office of the Press Secretary.
Sinabi ng DA na kasalukuyan na mababa ang aplikasyon ng mga magsasaka ng urea fertilizer sa mga pananim na palay.
Sa datos ng Fertilizer and Pesticide Authority, ang average na presyo ng urea kada 50-kilong bag ay nasa P2,523.68 ngayong Oktubre.
Sakop ng programa ang mga rehiyon na nagtatanim ng mga “inbred at hybrid rice seeds”, maliban sa National Capital Region at Bangsamoro Autonomous Region of Muslim Mindanao.
Ngunit maaaring magamit lamang ang vouchers ng isang beses at maaaring maipapalit ang mga ito ng fertilizer sa alinmang tindahan ng urea sa kanilang lugar.