MANILA, Philippines — Umaabot na sa P4.3 bilyon ang pinsalang iniwan ng bagyong Paeng sa mga imprastruktura sa bansa.
Ito ang iniulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na kung saan ay nasa 722 na imprastruktura ang napinsala sa buong bansa kung saan pinakamalaki ang Calabarzon na may 111 imprastruktura at nagkakahalaga ng P1,243, 670, 800.
Sinundan ito ng Mimaropa na may 191 damaged infrastructure at nagkakahalaga naman ng P794,207,400, sinundan ng Bicol Region sa P793,374,689.99 dulot ng 180 na mga nasirang imprastruktura.
Lumilitaw din sa report kahapon ng NDRRMC na 107,343 indibiduwal o 26,731ang nawalan ng tirahan at nanatili sa 954 evacuation centers habang 920,586 katao o 325,664 pamilya ang nananatili sa labas ng evacuation centers.
Nasa 120 kalsada at 68 tulay ang hindi pa rin madaanan.
Iniulat naman ng Department of Agriculture (DA) ang P2,989,090,147.535 pinsala mula sa mga rehiyon ng Central Luzon, Calabarzon, Mimaropa, Bicol Region, Western Visayas, Zamboanga Peninsula, Northern Mindanao, Bangsamoro Region, at Cordillera Administrative Region’s (CAR) dahil pa rin sa bagyong Paeng.