MANILA, Philippines — Tiniyak ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na maayos na maipamamahagi ang tulong ng pamahalaan sa pamamagitan ng ahensya para sa mga biktima ng bagyong Paeng.
Ayon kay DSWD Secretary Erwin Tulfo, sinusunod ng ahensya ang enhanced at simplified guidelines sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) sa tamang panahon at epektibong paraan.
“Ang gusto lamang ho natin ay maayos po ang pagbibigay ng ayuda, food pack man o cash assistance. Gusto ko po ay maayos at tuluy-tuloy at hindi na pinahihirapan ang ating mga kababayan,” sabi ni Tulfo.
Aniya, tanging kopya lamang ng valid ID ang kailangan o anumang alternative documents ang ipakikita para makakuha ng cash grants sa ilalim ng AICS program.
Dagdag ni Tulfo, ang mga biktima ng kalamidad na walang valid ID ay maaaring kumuha ng barangay certificate o patunay mula sa Social welfare officer para makakuha ng ayuda mula sa ahensya.