MANILA, Philippines — Dahil sa paghina ng halaga ng piso kontra dolyar ay lalo pang lumobo ang utang ng Pilipinas noong katapusan ng Setyembre.
Ayon sa Bureau of Treasury, tumaas ng 3.8 porsyento ang utang ng Pilipinas hanggang sa katapusan ng Setyembre dahil sa pagbaba ng halaga ng piso laban sa US dollar.
Ang kabuuang utang ay umabot sa P13.52 trilyon noong Setyembre na mas mataas ng P495.54 bilyon kumpara sa P13.02 trilyon noong Agosto, ayon sa Treasury.
Mula sa kabuuang “debt stock”, 31.2 porsyento o P4.22 trilyon ang mula sa labas ng bansa habang 68.6 porsyento o P9.30 trilyon ay domestic borrowings, ayon sa datos ng gobyerno.
Nakasaad din sa inilabas na statement na ang pagtaas sa antas ng panlabas na utang ay dahil sa P179.69 bilyon na epekto ng pagbaba ng halaga ng lokal na pera laban sa USD.
“Ito ay bahagyang na-offset ng P30.62 bilyon na epekto ng pagbaba ng ikatlong pera laban sa USD at nitong pagbabayad na nagkakahalaga ng P10.8 billion,” sabi ng Treasury.
Sa pagtatapos ng Agosto, ang piso ay nasa P56.171 ang halaga kontra sa $1 at P58.646 noong Setyembre.
Bumaba ang piso sa record low na P59 noong Oktubre bago bumaba sa humigit-kumulang P58 hanggang $1 level nitong mga nakaraang linggo.
Inaasahan ng mga analyst ang pagpasok ng mga remittances at business process outsourcing (BPO) receipts sa fourth quarter upang pansamantalang suportahan ang piso.