MANILA, Philippines — Kinasuhan ng pulisya ang pedicab driver na suspek sa panghahalay at pagpatay sa isang 18-anyos na dalaga na natagpuang patay sa madamong lugar ng Brgy. Cadlan, Pili, Camarines Sur, kamakailan.
Ang suspek na kinilalang si Reymark Belleza at residente ng Brgy. Cadlan ng nasabing bayan ay unang itinuring na person of interest ng pulisya sa pagpatay at panghahalay sa biktimang si Irish Mae Payonga, 18-anyos, senior high student ng Ateneo de Naga University at residente ng Brgy. Marupit, Camaligan.
Habang iniimbestigahan ng pulisya ay umamin ang suspek na siya ang gumawa ng kalunus-lunos na krimen lalo na nang ipakita ang kopya ng CCTV camera na ang kanyang pedicab ang nakitang sinakyan ng biktima na patungo sana sa provincial capitol complex para dumalo sa pagtitipon ng kanilang simbahan, subalit hindi na nakarating.
Ayon pa suspek na ninakaw niya ang cellphone, pinatay sa pamamagitan ng pagtakip sa bibig at ilong nito hanggang hindi na makahinga bago ginahasa ang biktima.
Siya rin ang itinuturo ng isa pang pasahero na katabi ng biktima na sinakyan nila na nangangamoy alak pa.
Agad sinampahan ng kaso ang suspek sa provincial prosecutor’s office ng pagnanakaw, pagpatay at panggagahasa.