MANILA, Philippines — Nasa 7 trak ng basura mula sa iba’t ibang libingan sa Metro Manila ang nakolekta na kahapon ng Metro Manila Development Authority (MMDA).
Ito anya ay mga iniwang basura ng mga tao na bumisita sa libingan ng kanilang yumaong mahal sa buhay sa paggunita ng Undas sa bansa na may katumbas na 24.2 tonelada o 85.2 cubic meters ng basura.
Inihalimbawa ni MMDA supervising officer for operations Bong Nebrija na ang ahensya ay nakapaghakot ng 5.25 toneladang basura mula sa Manila North at South Cemetery, Loyola Memorial Park, Libingan ng mga Bayani, San Juan City Cemetery at Bagbag Cemetery kumpara sa 27 truckloads o 162 tonelada ng basurang nakolekta noong nakaraang taon.
Nagpapatuloy pa ang paglilinis ng mga tauhan ng MMDA sa mga sementeryo.
Kasabay nito ang pakiusap ng ahensiya sa mga dadalaw pa sa puntod ng kanilang mga yumaong mahal sa buhay na maging responsable sa kanilang mga basura.